ProZ.com translation contests » Propose a source text » Tagalog source text proposed by dld102


In order to determine which proposed source texts are the suitable for use in ProZ.com contests, proposers and participants are encouraged to "highlight" (like contest entry tagging) and discuss proposed source texts. A good contest source text should pose a reasonable challenge to translators, while allowing for "separation". Refer to the "Propose a source text" overview page for all source text proposal guidelines.

Kwento ng Sundalong Patpat by Virgilio Almario

“Saan ka pupunta, o Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan gusto.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang ayaw dumalaw ng ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kanyang kabayong payat.

“Saan ka pupunta, o Sundalong Patpat,” tanong ng manok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nakalimot na ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan tinatawagan at dinadasalan.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang hindi makarinig ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kanyang kabayong payat.

“Saan ka pupunta, o Sundalong Patpat,” tanong ng bundok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. “Pero hindi nagtatago ang ulan,” paliwanag ng nanginginig na dagat. “Ibinilanggo ni Pugita sa kaniyang mutyang perlas.” “Kung gayon, papatayin ko si Pugita,” sabi ng matapang na Sundalong Patpat. “Palalayain ko ang ulan.”

At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng kaniyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok ng Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si Pugita sa talim at talas ng kumikislap na espadang patpat.

Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang maraming mahahabang galamay ng mabagal at matabang dambuhala. Isa, dalawa, tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Huli na nang magbuga ng maitim na tinta si Pugita. Nasungkit na ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa kuwintas ng nalumpong reyna ng dagat!

Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis na kabayong payat. Pagkaahon ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas, hanggang umabot sa tiyan ng langit at sumabog ang masaganang ulan.

Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli’t naglaro ang damo’t dahon. Nagbihis ng luntian ang mga bukid at bundok. Muling umawit ang mga ibon at ilog…

“Saan ka pupunta, o Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka naman dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang gusi ng ginto sa puno ng bahaghari,” sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat.
  • No positive highlights


General notes about this proposed source text

Discussion about this source text as a whole.
Rank by:
Please log in to comment.